Followers

Friday, May 29, 2009

May isang binata

.

May isang binata
Tuwina'y malaking bag ang dala-dala.
Pasan-pasan ang mga kargamentong gamit sa trabaho
Hindi alintana ang bigat na dala-dala, ang likod tila bibigay na
Matiisin si binata, pinatatag ng panahong pasakit ang dala
Madalas syang madestino sa mundong pinagdamutan
Ng karangyaan at katahimikan.
Bad boy itong si binata, madalas ang kanyang bag
Ginagawang pananggalan sa pagpasok sa isang kwartong
Pinamumugaran ng makamundong laman.

May isang binata
Lintik kung magmahal,
Gagawin ang lahat mapasakanya lamang
Masunuring anak, mabuting kaibigan
Ang ngiti’y totoo walang halong balatkayo
Minsan na syang umibig,
Ngunit hindi nakiayon ang pag-ibig sa pagsubok ng panahon
Itong si binata, palakaibigan – walang masamang damo
Straight kumilos ngunit madalas sa bar ng malasado
Laging huli at humahabol sa tagayan at kasayahan.

May isang binata
Matalino at mayamang angkan ang pinagmulan
Masarap magmahal, kaibigan ng lahat
Disposisyong walang direksyon, sinayang ang swerte
At oportunidad na kumakatok sa kanyang buhay
Emo itong si binata, sawi kasi sa pag-ibig
Buong sirkulo’y nakisimpatiya, nakidama
Sa kanyang pait at duguang pusong dinaranas
Sa kabila ng kanyang katatagan, kalakasan
Ay kaluluwang palihim na lumuluha sa likod ng tabing.

May isang binata
Masinop sa buhay, mag-isang namumuhay
Pinagtibay ng panahon, iminulat sa hirap
Ng kanyang inang hangad ang tagumpay
Pilyo itong si binata, kaya’t malimit makarma
Umibig sa mapaglarong irog,
Pinagtaksilan ang totoog pag-ibig.
Ngayo’y puso’y pira-piraso, dangal ay naglaho
Magaling lang umarte at magsuot ng maskara itong si binata
Ngunit hirap at pasakit ngayo’y kanyang dinadala.

May isang binata
Ama ng katigasan, ina ng kalambutan
Lider sya sa burautan at kabutihan
Pasimple rin syang gumawa ng kapilyuhan
Dahil sya’y tao rin lang na nagnanasa ng laman
Iginagalang sya at minamahal ng lahat
Kaparte sya sa bawat sakit at patak ng luha ng kanyang mga anak
At sa pinagdadaanan ng kanyang mga anak, sya ay may ambag
Hagupit man o payo na kinaiinisan ng lahat,
Ugaling amang may batas at paninindigan
At inang sa sulok ng kwarto’y luha at awa ang pasan.

Sunday, May 3, 2009

Magdamagan

The night is still young and so are we.

- Zoe to Mugen
Second Year College

Originally Posted: August 28, 2008

---

Alas Dos

Apat na magkakatropa ang lumabas ng DB Bar sa Congressional Avenue. Sila ay kapwa may tama ng alak salamat sa apat na bucket ng San Miguel beer na kanilang tinungga. Ang dalawa ay napagkasunduang gawing opisyal ang kanilang pag-iibigan. Unang umalis ang binatang kinakati isayaw ang sarili sa dance floor. Sumunod ang pinuno na unang inakala na makakasabay umuwi ang isa sa kanyang mga alaga.

Madilim at walang sasakyan sa kanto ng Quezon Avenue at Agham Road nang bumaba dito ang isa sa mga binata. Ang pinuno naman ay patuloy na binabaybay ang daan na magdadala sa kanya sa Fairview. Ang dalawa ay napagkasunduang magpalipas ng gabi sa isa pa nilang kaibigan.

Na umamin rin ng kanyang pagkagusto sa isa sa mag-syota.

Alas Tres

Nakarating ng Malate ang binatang adik sumayaw. Ang mag-syota naman ay kumain sa isang lugawan malapit sa Espana. Dito rin sila tinagpo ng isa pa nilang kasama na may gusto sa isa. Ang pinuno ay nakarating na ng bahay. Pinipilit man nitong makatulog subalit ang pag-iisip sa isang tao ang pumipigil sa kanya upang mahimbing sa kama.

Alas Kwatro

Habang naglalakad ng pasuray-suray sa dancefloor, biglang dinikit ng isang binibini ang kanyang balakang sa binatang adik sumayaw. Pinatulan ito ng binata kaya't panandalian silang nag-exhibition at nagdirty-dancing sa palibot ng maraming bakla. Natulala ang binata at napaisip: "Babae kaya ang kasayaw ko o isa na namang tranny?" Matangkad kasi ito, mahaba ang buhok at tila may pagka-agresibo gaya ng lalaki. "Baka naman lasing lang kaya matapang." Sa huli, nanaig ang galing ng babae. Napasayaw niya at napaghubad si lalaki.

Ang tatlo ay nag-kwentuhan sa apartment ng isa sa may Morayta. Buong akala ng lahat na may mangyayari, subalit nanaig ang pride ng bawat isa. Walang gustong magpatira at walang gusto makibahagi ng jackpot ng isa. Binalak nilang dumayo sa Malate upang ipagpatuloy ang inuman. Maraming tao. Nagpasya silang tatlo na bumalik na lang ng apartment.

Hindi pa rin makatulog ang pinuno. Binabagabag siya ng kanyang damdamin para sa isang taong hindi na mapapasa-kanya.

Alas Singko

Pasikat na ang araw at pauwi na ang mga gumimik sa Malate. Patuloy pa rin ang pagkwe-kwentuhan ng tatlo sa apartment, samantalang ang binatang adik sumayaw naman ay nagmamadaling makahanap ng kaulayaw sa dance floor. All for the sake of inflating his ego and detaching himself from the events that happened earlier that night. "Kala nila sila lang, kaya ko rin sumabay." bulong nito sa sarili. Nagkita muli sila nang nakasayawan nito ilang buwan na ang nakakaraan. Matino naman ang kanilang pag-uusap, subalit narealize ng binata na maaring isang callboy ang kanyang pinagtripan nang huli silang nag-krus ng landas sa ibabaw ng ledge.

Pagulong-gulong pa rin sa higaan ang pinuno. Hindi pa rin siya makatulog.

Alas Sais

Maliwanag na ang langit. Ang mag-syota na nakitambay sa apartment ng isa nilang katropa ay papauwi na sa kani-kanilang bahay. Hawak kamay sa loob ng bus, pinaramdam nila sa isa't-isa ang pag-iibigan nilang dalawa. Walang nangyari sa buong magdamag, subalit ang kanilang relasyon ay maaring makaapekto sa samahan ng buong grupo.

Nabigo ang binata sa kanyang quest na makahanap ng kalandian sa dance floor. Marami ang naghangad ngunit wala ni isa man sa kanila ang kanyang natipuhan. Just when he was ready to give his number... saka naman walang available... Magsisimula ang bagong linggo gaya ng dati - siya na isang uring mangagawa na maraming dala-dalang pasanin sa mundo; ang mundo na patuloy ang pag-ikot at tila walang pakiealam sa kanya. Matapos kumain ng Pares at apat na pirasong fried siomai sa Bestfriends malapit sa kanyang bahay, kaagad rin itong nakatulog matapos ang isang magdamagang gimik sa piling ng mga tropa at ng sarili.

Sa kabila ng pagiging duguan ng kanyang puso, nakatulog rin sa wakas ang pinuno.