.
May isang binata
Tuwina'y malaking bag ang dala-dala.
Pasan-pasan ang mga kargamentong gamit sa trabaho
Hindi alintana ang bigat na dala-dala, ang likod tila bibigay na
Matiisin si binata, pinatatag ng panahong pasakit ang dala
Madalas syang madestino sa mundong pinagdamutan
Ng karangyaan at katahimikan.
Bad boy itong si binata, madalas ang kanyang bag
Ginagawang pananggalan sa pagpasok sa isang kwartong
Pinamumugaran ng makamundong laman.
May isang binata
Lintik kung magmahal,
Gagawin ang lahat mapasakanya lamang
Masunuring anak, mabuting kaibigan
Ang ngiti’y totoo walang halong balatkayo
Minsan na syang umibig,
Ngunit hindi nakiayon ang pag-ibig sa pagsubok ng panahon
Itong si binata, palakaibigan – walang masamang damo
Straight kumilos ngunit madalas sa bar ng malasado
Laging huli at humahabol sa tagayan at kasayahan.
May isang binata
Matalino at mayamang angkan ang pinagmulan
Masarap magmahal, kaibigan ng lahat
Disposisyong walang direksyon, sinayang ang swerte
At oportunidad na kumakatok sa kanyang buhay
Emo itong si binata, sawi kasi sa pag-ibig
Buong sirkulo’y nakisimpatiya, nakidama
Sa kanyang pait at duguang pusong dinaranas
Sa kabila ng kanyang katatagan, kalakasan
Ay kaluluwang palihim na lumuluha sa likod ng tabing.
May isang binata
Masinop sa buhay, mag-isang namumuhay
Pinagtibay ng panahon, iminulat sa hirap
Ng kanyang inang hangad ang tagumpay
Pilyo itong si binata, kaya’t malimit makarma
Umibig sa mapaglarong irog,
Pinagtaksilan ang totoog pag-ibig.
Ngayo’y puso’y pira-piraso, dangal ay naglaho
Magaling lang umarte at magsuot ng maskara itong si binata
Ngunit hirap at pasakit ngayo’y kanyang dinadala.
May isang binata
Ama ng katigasan, ina ng kalambutan
Lider sya sa burautan at kabutihan
Pasimple rin syang gumawa ng kapilyuhan
Dahil sya’y tao rin lang na nagnanasa ng laman
Iginagalang sya at minamahal ng lahat
Kaparte sya sa bawat sakit at patak ng luha ng kanyang mga anak
At sa pinagdadaanan ng kanyang mga anak, sya ay may ambag
Hagupit man o payo na kinaiinisan ng lahat,
Ugaling amang may batas at paninindigan
At inang sa sulok ng kwarto’y luha at awa ang pasan.
1 comment:
tsk.tsk.tsk
Post a Comment